Pangarap na kurso sa pangarap na eskwelahan
Dalawang taon ang nakalipas simula nang tinahak ang daan na hindi buo ang loob. Pup ang pangalawa sa pangarap kong eskwelahan, una ang UP. Pero kalaunan natanggap ko na hindi ako para sa UP, isa pa may ‘UP’ din naman sa PUP, kaya magaan din ang loob ko.
Mayo noon, simula ng enrollment, sa ikalimang palapag ang CAF, nakakapagod akyatin pero mas nakakapagod tahakin ang daan patungo sa pangarap, kaya laban lang.
Positibo akong makakapasok sa kurso na gusto ko, nasa unang linggo ang schedule ko dahil tama lang naman ang marka na nakuha ko sa entrance exam. Pero iba sa inaasahan ko ang nangyari, hindi pala ako pwede sa kursong gusto ko dahil hindi ABM ang strand ko noong senior high school.
Binigyan kami ng chance, ang sabi ng propesor doon, “take it or leave it”, nagdalawang isip pa ako, BSMA ang kurso na pwede naming kunin, bridging course pa, may mga subjects pa na kailangang itake. Tatlong section kaming bridging, ‘yung mga nabigyan ng pagkakataon na mag-aral ng accounting kahit ‘non-ABM’.
Sinubukan ko, sabi ko sa sarili ko, okay na ‘yon, sa PUP naman ako nag-aaral, maaabot ko rin yung BSA. Kaya kahit BSMA, kahit walang kasiguraduhan, pinili kong tumaya.
Unang taon, kalma kalma lang, hindi pa masyadong hirap, pero nagkaroon ako ng mas mababa sa dos na marka kaya kailangan kong kumuha ng SQE (Special Qualifying Exam). Noong mga panahong ‘yon, naisip ko na baka wala na, baka dito na matatapos yung pangarap ko, paano kung hindi ako makapasa? Nag-isip na ako ng plano, kung anong course ang pwede kong lipatan, o kung saang eskwelahan pwedeng lumipat. Sobrang duda ako sa sarili ko, inisip ko na ang mga posibleng mangyari at halos maiyak na ako, hindi ko gusto ang ganito. Walang kasiguraduhan ang daang tinatahak ko. Ni hindi na ako naniniwala sa sarili ko.
Araw ng SQE, gabi na ito natapos, pagkalabas ko ng silid habang bumababa tumulo ang luha ko, maraming mga bagay ang naglalaro sa isip ko, pero isa lang ang sigurado, sigurado akong hindi pa sigurado ang kahihinatnan ng lahat. Kaya pansamantala, pinilit kong kumalma.
Noong araw ng resulta, kasama ko ang kaibigan sa museum, namasyal kami buong araw at hindi nagbukas ng cellphone sa sobrang kaba. Ginabi na kami ng uwi at nasa bus, doon lumabas ang resulta, napasigaw ako at nagtinginan ang ibang sakay, umiyak din ako ng kaunti. Sobrang saya ko! Nakapasa ako!
Pero hindi pa doon nagtatapos ang lahat, simula pa lang pala iyon ng mas mahirap at mas mabibigat na subjects, simula palang pala ng mas maraming gabi na wala halos tulog, simula palang pala ng mas maraming practice set na ginawan ng paraan para ma-force balance, simula palang pala ng laban kasama ang basic calculator, simula pa lang ng mga scheduled quiz na kahit nag-aral ka ng husto ay bagsak pa rin at simula ng mas maraming mga bagsak na exam.
Ikalawang taon, unang semestre, apat na accounting subjects, ngunit halos hirap na hirap na, noong ikalawang semestre mas lalon nadoble ang hirap dahil nadoble rin ang subject, walo.
Walong major subject na kailangang pagtuunan ng pansin.
Isa, isang linggong pinipilit pagkasyahin ang schedule para maaral ang lahat at mapagkasya sa utak ang mga impormasyon at numero.
Dalawa, dalawang scheduled quiz ang nagkakasabay minsan.
Tatlo, tatlong araw pa bago ang mga iyon ay sinubukan nang mag-aral, at minsan
Apat, apat na oras na nga lang ang tulog pero ang kahihitnatnan at marka ay mababa pa rin.
Lima, limang beses mang basahin ng paulit-ulit ay tila hindi pumapasok sa isip ang mga numero, ang mga kailangang ianalisa, ang mga problemang kailangang solusyunan, at anim,
Anim na Financial Statements ang kailangang gawin,
At ang pito, pitong oras na pag-aaral sa maghapon ay kulang para sa lahat ng walo,
Walong subject na iyon noong semestreng iyon.
Buong akala ko ay mananatiling malabo ang lahat, mananatiling nangangapa sa hinaharap, at mananatiling walang kasiguraduhan ang daang tinatahak. Ngunit ngayon, walang pagsidlan ang saya, nangangalahati na.
Nakuha ko na ang pangarap kong kurso sa pangarap kong paaralan, kaya ko nang sumagot ng “BSA po, sa PUP” sa tuwing may nagtatanong sa akin kung anong kurso ko at saan ako nag-aaral.
Halos natatanaw ko na ang dulo, nasa gitna na ako, nagbunga na ang lahat ng hirap, sakit at luha noon sa tuwing bumabagsak sa departmental exam, nagbunga na ang hindi pagtulog sa gabi para mag-aral, nagbunga na ang lahat ng pagtitiis, disiplina at nasagot na ang matagal nang pinapanalangin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento